Ikinatuwa at pinasalamatan ng Department of Tourism (DOT) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos palawigin ng isa pang taon ang 14-day visa-free entry privilege para sa mga Chinese national na turista.
Epektibo ito mula January 16, 2027 hanggang January 15, 2028.
Ayon sa DOT, nakatulong ang hakbang na ito lalo na at dahil sa naging visa-free entry tumaas ng 70.18% ang mga turistang mula sa China.
Sa kasalukuyan, may hindi bababa sa 20 direct flights na nag-uugnay sa Manila, Cebu, at Kalibo patungo sa mga pangunahing lungsod sa China. Bukod sa anim na chartered flights ngayong 2026, nakatakda ring magbukas ang Qingdao Airlines ng rutang Chengdu–Bohol sa January 2027.
Tiniyak naman ng DOT, na isinagawa ang polisiya sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration, Department of National Defense, at Department of Foreign Affairs.
Samantala, tumaas din ng 23.55% ang mga turistang mula sa India nitong November 21 dahil sa mas maluwag na visa rules at sa bagong araw-araw na Manila–New Delhi flight ng Air India. Isinusulong na rin ng DOT ang karagdagang biyahe ng IndiGo sa pagitan ng Mumbai at Manila upang mas mapalakas pa ang turismo at kabuhayan sa bansa.