Bibili ang Pilipinas sa Estados Unidos ng mga military equipment na hindi ibinebenta ng Amerika sa ibang bansa sa ilalim ng $2-billion financing package.
Ito ang kinumpirma ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Teodoro, mga multi-domain at multi-threat hardware ang mga napiling kagamitan, na nasa ilalim ng security sector roadmap ng bansa.
Hindi na tinukoy ng kalihim kung anong mga military asset ang bibilhin.
Nilinaw din niya na financing at hindi grant ang $2 billion. Hiwalay pa rito ang $400 million na grant sa ilalim ng US Foreign Military Financing (FMF) program, na nakalaan na rin sa security sector roadmap.
May $100 million grant na rin at humigit-kumulang $50 hanggang $60 million para sa ongoing na Super Intelligence o AI program ng DND at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Teodoro na malaking tulong ito sa pagpapalakas ng deterrence ng bansa.
“What we’re working on is II and III. Meaning to say, to work with one another to build deterrence, and I think it is important to be ironclad in deterrence than in retaliation. I mean, after something has already happened, you cannot reverse a death. You cannot reverse anymore some damage to your society, but you can deter it,” ani Teodoro.
Nanawagan din ng kalihim na bawasan ang red tape sa gobyerno, dahil naaantala ang mga proyektong pandepensa sa haba ng proseso at sa mga usapin sa land reclassification sa mga kampo militar.