Nagbabala ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa posibleng pagbaba ng produksyon ng asukal sa bansa dahil sa mataas na gastos sa pagsasaka at pagkalat ng peste sa mga tubuhan.
Kabilang sa nagpapahirap sa mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng gasolina, abono, at iba pang farm inputs.
Dagdag pa rito ang epekto ng El Niño na maaaring magpalala sa mababang produksyon ng tubo at asukal.
Partikular na nanganganib ang kabuhayan ng libo-libong manggagawa sa Negros Occidental, na pangunahing prodyuser ng asukal sa bansa.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Ascona, mahalagang matiyak ang sapat at matatag na presyo ng tubo upang masuportahan ang mga magsasaka at millers.
Tiniyak naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang tulong ng pamahalaan upang makontrol ang peste, mapanatili ang produksyon, at maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.