Nagpaabot ng pakikiramay ang Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi at ang Filipino community sa United Arab Emirates kasunod ng aksidente sa kalsada sa Ras Al Khaimah kahapon, November 24, na ikinasawi ng 11 katao.
Sa inilabas na pahayag, bagamat hindi kinukumpirma kung may Pilipino bang damay sa insidente, ipinaabot ng embahada ang lubos na pakikidalamhati sa mga naulilang pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima.
Nagpasalamat din ang embahada sa mga emergency responder at medical team dahil sa mabilis nilang pagtugon sa insidente, kasabay ng pagtiyak ng pakikiisa ng mga Pilipino sa pamahalaan at mamamayan ng UAE sa gitna ng pagluluksa.
Batay sa ulat ng UAE Ministry of Interior, naganap ang insidente matapos magsalpukan ang isang pampasaherong bus at isang truck sa Al Watan Road sa lungsod ng Ras Al Khaimah. Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng banggaan, at wala pang opisyal na pagkakakilanlan sa mga nasawi.