Nakatutok ang Marcos administration sa pagpapatuloy ng mga programa laban sa malnutrisyon sa hanay ng mga bata, kahit matapos na ang implementation period ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP), ngayong taon.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kailangang humanap ng paraan upang maipagpatuloy ang mga nasimulang programa dahil patuloy na nangangailangan ng tulong ang mga bata at kanilang pamilya.
Sabi ng Pangulo, nananatiling malaking hamon ang malnutrisyon sa bansa, kung saan tinatayang isa mula sa apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ang stunted noong 2025.
Dahil dito, nais maisama ng Pangulo sa regular na programa at development priorities ng LGUs ang mga nutrition interventions upang magpatuloy ang serbisyo kahit matapos ang PMNP.
Sabi ng Pangulo, umabot na sa 6.17 million beneficiaries mula sa 235 participating municipalities ang naabot ng programa, as of September 30, 2026.
Kabilang dito ang 549,000 batang wala pang limang taong gulang na nasubaybayan at nabigyan ng serbisyo.
Naitala rin sa 134 na munisipalidad ang malaking pagbaba sa kaso ng stunting o pagkabansot, matapos ang dalawang taong pagpapatupad ng programa.
Siniguro ni Pangulong Marcos na patuloy na susuportahan ng national government ang mga LGU sa pamamagitan ng policy at technical assistance upang mapanatili at mapalawak ang mga nakamit ng proyekto.