Mas akma umanong tawaging “slowflation” kaysa “stagflation” ang kasalukuyang lagay ng ekonomiya ng Pilipinas, ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr.
Ipinaliwanag ni Remolona na walang iisang malinaw na kahulugan ang “stagflation.”
Aniya, isa sa mga batayan nito ay ang sabay na pagkakaroon ng negatibong paglago ng ekonomiya at mataas na inflation.
Bagama’t mataas nga ang antas ng inflation na lumampas na sa 4%, iginiit ng opisyal na hindi naman negatibo ang paglago ng ekonomiya ng bansa, kaya’t mas nararapat itong ilarawan bilang “slowflation.”
Kinilala naman ni Remolona ang mahirap na pagbabalanse sa pagitan ng mabagal na paglago at mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, habang patuloy ang hakbang ng central bank upang mapababa ang inflation.
Uminit ang usapin sa posibleng stagflation matapos lumabas ang datos sa third-quarter gross domestic product (GDP), kung saan bumagal ang paglago ng ekonomiya sa ikalimang sunod na kwarter bunsod na rin ng naging epekto flood control scandal.
Sang-ayon din sa pagtaya ni Remolona si dating Finance Secretary Gary Teves, na nagsabing mas akma ngang gamitin ang terminong “slowflation.”
Samantala, hindi rin pabor si Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Chief Joey Salceda sa pagbabansag ng stagflation sa ekonomiya.
Sa halip, naniniwala si Salceda na mas mapapabilis ang paglago ng ekonomiya kung tututukan at dodoblehin ng gobyerno ang “supply-side interventions” o pagpaparami ng suplay sa bansa.