Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 11602 o Metro Manila Flood Control and Drainage System Management Act.
Sa ilalim ng panukala, pagsasamahin at pagtutugmain ang flood control projects ng 17 local government units sa Metro Manila upang maiwasang ang solusyon sa pagbaha sa isang lugar ay magdulot naman ng problema sa ibang komunidad.
Inaatasan ang mga kinauukulang ahensya at LGU na bumuo ng master plan sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.
Itatatag din ang Integrated Flood Control and Drainage System Management Authority na pamumunuan ng MMDA chairperson, katuwang ang DPWH secretary.
Kabilang sa plano ang paggamit ng climate-resilient at nature-based solutions, gayundin ang taunang technical audit at pagsasapubliko ng mga proyekto, pondo at progreso ng implementasyon.
Magkakaroon din ng congressional oversight committee upang bantayan ang pagpapatupad ng programa at paggamit ng pondo ng bayan.