Nakikipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensya ng gobyerno para matunton at matulungan ang tinatayang 30 Pilipinong humihingi ng tulong para makauwi mula sa mga teritoryo ng Ukraine na kontrolado ng Russia.
Sa interpellation ni Senator Risa Hontiveros sa 2027 budget ng DMW, binanggit niya ang kumakalat na video sa social media kung saan humihingi ng saklolo ang mga Pilipino.
Ayon sa kanilang salaysay, narekrut sila para sa janitorial at construction work pero sa halip ay napunta sa paggawa ng mga bunker.
Tinanong ni Hontiveros kung anong konkretong hakbang ang ginagawa ng pamahalaan para matukoy ang kinaroroonan ng ating mga kababayan at mailikas sila mula sa conflict zones.
Ayon kay Senator Joel Villanueva, sponsor ng DMW budget, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga kaugnay na embahada at security agencies para makakalap ng impormasyon at matulungan ang ating mga kababayan.