Sinimulan na ngayong Sabado ang pamamahagi ng pinansyal na tulong ng Department of Social Welfare and Development sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa Cagayan.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang payout para sa 11,144 rice farmers mula sa 15 local government units.
Bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng P5,250 emergency cash assistance.
Layunin nitong matulungan ang mga magsasaka sa kanilang agarang pangangailangan at pagbangon mula sa pagkalugi dahil sa pinsala sa kanilang mga pananim.
Kabuuang 33,072 rice farmers mula sa 25 bayan at isang lungsod sa Cagayan ang target na mabigyan ng tulong.
Naglaan ang DSWD ng P173.6 milyon para sa programa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr.