Handang umalalay ang National Capital Region Police Office sa mga magulang o estudyanteng nais magsumbong ng insidente ng bullying, lalo na ngayong magbabalik-pasukan na sa Lunes, June 8, 2026.
Sa panayam kay PMaj Hazel Asilao, tagapagsalita ng NCRPO, sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi nito na kung ang insidente ng bullying ay maituturing nang krimen, tulad ng nagdulot ng physical injury, handa silang tumulong at makipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development upang makagawa ng kaukulang aksyon.
Bukod pa rito, hindi lamang sa unang araw ng klase magbabantay ang mga pulis sa mga paaralan. Inaasahan ding nakamonitor sila sa buong School Year 2026–2027 para sa anumang insidente sa mga eskwelahan.
Nauna nang sinabi ni PMaj Asilao na 4,402 pulis ang idineploy para sa Oplan Balik-Eskwela. Ipapakalat ang mga ito sa halos 300 paaralan sa Metro Manila para sa Police Assistance Desks, traffic management, at iba pang kaugnay na tungkulin.| ulat ni Louisa Erispe