Photo by Bureau of Customs
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang ₱7.7 milyong halaga ng mga maling idineklarang agricultural goods sa Port of Manila.
Dumating noong March 22 at 25, 2026 ang apat na container van na idineklarang naglalaman ng iba’t ibang food products tulad ng noodles, soya wrappers, fish tofu, at wakame salad.
Ngunit sa isinagawang 100% physical inspection, nadiskubre ang 12,909 kahon ng sariwang carrots at 1,452 kahon ng egg noodles.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱6.97 milyon ang mga carrots at mahigit ₱773,000 naman ang egg noodles, para sa kabuuang halagang higit ₱7.74 milyon kasama ang buwis at duties.
Dahil dito, naglabas ang BOC ng Warrants of Seizure and Detention noong May 11 at 22, 2026, at tuluyang kinumpiska ang mga kargamento dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, paiigtingin pa ng ahensya ang kampanya laban sa agricultural smuggling upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at ang interes ng mga mamimiling Pilipino.