Photo by DOLE FB page
Isang pagkilala ang natanggap ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay.
Sa isang courtesy visit nitong June 5, personal na inihandog ni Albay Vice Governor Harold Imperial ang Provincial Resolution No. 0649-2026, na bumabati sa bagong talagang Kalihim ng Paggawa, na tubong Guinobatan, Albay.
Ayon sa resolusyon, karangalan at ipagmamalaki ng Albay ang pagkakatalaga ni Tolentino sa pamumuno ng DOLE.
Kinilala rin ang kanyang mahabang karanasan sa serbisyo publiko, kabilang ang kanyang panunungkulan bilang senador mula 2019 hanggang 2025.
Naniniwala ang lalawigan na sa ilalim ng kanyang pamumuno, mas mapapalakas ang pagtataguyod ng karapatan ng mga manggagawa, paglikha ng trabaho, at pagtugon sa mga hamon sa sektor ng paggawa.
Samantala, mahigit 20,000 benepisyaryo sa Albay ang nakatanggap na ng higit Php150 milyong ayuda sa ilalim ng programang TUPAD ng DOLE, lalo na sa mga naapektuhan ng aktibidad ng Bulkang Mayon.
Patuloy rin ang DOLE sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa para sa mga manggagawa at negosyo sa lalawigan.