Tiniyak ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang patuloy nitong commitment sa pagpapalakas ng transmission network ng bansa.
Ginawa ng NGCP ang pagtiyak sa gitna ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) na repasuhin ang status ng mga proyektong isinasagawa ng korporasyon.
Ayon sa NGCP, patuloy itong nagpapatupad ng mga kritikal na transmission project upang matugunan ang lumalaking demand sa kuryente at masuportahan ang integration ng mga bagong planta ng kuryente at renewable energy sources.
Kasabay nito, ikinatuwa ng NGCP ang nasabing direktiba ni Pangulong Marcos, kasabay ng patuloy na pagtutok ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya upang mabilis na matugunan ang iba’t ibang usapin na may kinalaman sa power situation ng bansa.
Umapela naman ang kumpanya para sa isang holistic, industry-wide, long-term development plan na nakatuon sa mga kritikal na isyu tulad ng pagkakaroon ng sapat at non-intermittent baseload supply upang matiyak ang pangmatagalang seguridad ng suplay ng kuryente sa bansa.