Muling nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi dapat iugnay sa institusyon ang mga aksyon ng 18 indibidwal na nagpakilalang mga bagman ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa inilabas na notice para sa media ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, hiniling ng militar na huwag nang tawaging “18 Marines” o “ex-Marines” ang naturang grupo.
Ayon kay Trinidad, hindi naman lahat ng mga ito ay naging miyembro ng Philippine Marine Corps. Dagdag pa niya, ang mga dating sundalo sa grupo ay matagal nang wala sa serbisyo nang sila ay magtrabaho bilang mga security aide ng dating mambabatas.
Binigyang-diin din ni Trinidad na ang patuloy na pagtawag sa kanila bilang “Marines” ay maaaring makaapekto sa reputasyon ng AFP at ng Philippine Marine Corps.
Nauna nang sinabi ng Philippine Navy na karamihan sa mga nagpakilalang “18 Marines” ay dishonorably discharged, o pinatalsik sa serbisyo, dahil sa iba’t ibang paglabag.
Matatandaang nagpatawag kamakailan ng press conference ang grupo sa Pasig City, kung saan hindi nila pinapasok ang mga miyembro ng media.