Handang personal na humarap sa Senado si House trial spokesman Zia Alonto Adiong upang komprontahin ang mga nagpakilalang dating Marines na nag-akusa sa kanya ng pagtanggap umano ng maleta-maleta na cash mula kay dating Congressman Zaldy Co.
Ayon kay Adiong, handa niyang i-waive ang parliamentary courtesy para direktang harapin ang mga nagaakusa at hilinging patunayan ang kanilang mga alegasyon.
Bilang tagapagsalita ng House prosecution panel sa impeachment case laban kay Sara Duterte, iginiit ni Adiong na wala siyang kinatatakutan at nais niyang mailahad ang buong detalye ng umano’y cash delivery.
Aniya, may CCTV footage sa kanyang bahay na maaaring magsilbing ebidensiya upang pabulaanan ang mga paratang.
Paulit-ulit nang itinanggi ni Adiong ang akusasyon at sinabi niyang handa siyang direktang usisain ang mga nag-akusa sakaling humarap ang mga ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.