Naihanda na ng Senado ang kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya para sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ngayong araw ay naglabas ng warrant of arrest ang Bulacan Regional Trial Court Branch 20 laban kay Discaya at sa 10 iba pa kaugnay ng kasong malversation na may kinalaman sa umano’y flood control anomaly.
Napag-alaman na naisaayos na ang mga gamit ni Discaya para sa kanyang pag-turn over sa mga awtoridad.
Naisailalim na rin siya sa medical examination at nabigyan ng medical certificate ng mga doktor ng Senado.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian sa isang pahayag na nakipag-ugnayan na sa kanila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at inaayos na ang mga dokumento ni Discaya para ma-turn over siya sa Philippine National Police (PNP).
Target aniya na ma-turn over si Discaya sa PNP sa Lunes.
Matatandaang mula pa noong Setyembre 2025 ay nakaditine na si Discaya sa Senado dahil sa contempt order ng Senate Blue Ribbon Committee.