Manghihingi ng paglilinaw si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian sa Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng kung sino ang dapat sundin ng mga empleyado ng Senado.
Ito ay sa gitna ng umiiral na kalituhan tungkol sa liderato ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, tutuldukan nila ang kalituhan sa pamamagitan ng paghingi ng gabay mula sa CSC.
Pinunto ni Gatchalian na sila ang kinikilala ng ehekutibo.
Kapag nagkaroon na aniya ng sertipikasyon mula sa CSC, makakampante na ang mga empleyado ng Senado kung sino ang nararapat nilang sundin.
Matatandaang sa naging pagtitipon kahapon ng Blue Ribbon Committee ng Cayetano bloc, nagkaroon ng kalituhan ang mga empleyado ng Senado kung sino ang susundin.
Iginiit ni Gatchalian na siya na ang Acting Senate President, ngunit naninindigan si Sen. Alan Peter Cayetano na siya pa rin ang Senate President.
Nauunawaan naman aniya ni Gatchalian ang kalituhan ng mga empleyado ng Senado, ngunit tiniyak niyang maaayos ito.