Sinaksihan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta – Marcos ang pagtatapos ng mga mag-aaral ng West Visayas State University (WVSU) College Law sa La Paz, Iloilo City.
Ang batch na ito, kinabibilangan ng 25 graduates, kung saan 17 dito ay mga mag-aaral mismo ng Unang Ginang, sa kanilang legal studies na nagsimula noong 2022.
Ginamit ni Pangulong Marcos Jr. ang kaganapan upang manawagan sa mga graduates na maging instrumento sa ilalim ng Bagong Pilipinas, kung saan ang mabibigyang proteksyon ang mga mahihirap, vulnerable sector, at marginalized.
Ang tagumpay aniya ng mga ito, makikita sa kung paano nila ipamamalas ang integridad kahit walang nanonood.
Nagbilin ang Pangulo sa mga ito na maging tapat sa sinumpaang tungkulin at huwag kailanman magpapadala sa mga mali at baluktot na pamamaraan.
Kung matatandaan, ang West Visayas State University College of Law ay itinatag noong taong 2020. Ito ang kaisa-isang state university sa Western Visayas Region na nag-aalok ng legal education, na nagsasanay sa mga maga-aral na maging bisahang mga abogado, na tutulong sa pagsusulong ng rule of law at hustisya sa bansa.