Nakikipag-ugnayan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Davao City LGU para ligtas na maibalik ang operasyon ng Davao City Sanitary Landfill.
Matatandaang pansamantalang sinuspinde noong May 21 ang naturang landfill matapos ang naganap na trash slide kung saan tinatayang 3.72 ektarya ng landfill area ang naapektuhan ng pagguho ng basura.
Ayon sa DENR XI, araw-araw ang koordinasyon ng technical teams nito sa lokal na pamahalaan ng Davao para gabayan ang rehabilitasyon, at matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa at mga residenteng nakatira malapit sa landfill.
Naglatag na rin ito ng mga opsyon para matugunan ang problema sa pagtatapon ng basura kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga karatig-lokal na pamahalaan para sa temporary disposal, at pagkakaroon ng pansamantalang disposal area sa loob ng landfill na sasailalim sa mga kinakailangang safety measures.
Sa kasalukuyan, nasa 180 pamilya na ang inilikas mula sa mga lugar na itinuturing na high-risk, habang nananatiling limitado ang pagpasok sa sanitary landfill.
Sinabi naman ng DENR, na magsasagawa ito ng beripikasyon sa oras na makumpleto ng lokal na pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang bago ikonsidera ang pag-alis ng suspension order.###