Nanawagan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa publiko na habaan pa ang pasensiya at maging masigasig sa paghihintay sa serye pa ng mga kaso at reklamong ilalabas ng Department of Justice at Office of the Ombudsman.
Kaugnay pa rin ito ng pagpapanagot sa mga may kaugnayan sa ma-anomalyang flood control projects.
Ani Dizon, hindi nagpapadalos-dalos ang pamahalaan dahil nais nitong maging tiyak, matibay, malakas at matatag ang mga kasong isasampa nito.
Kumpiyansa naman si Dizon na ang mga kasong isinumite laban kay Curlee Discaya ay malakas at hindi matitinag dahil sa mga ebidensiyang masusing kinalap.