Mariing iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na legal at valid ang isinagawang sesyon ng Senado noong June 3, kasunod ng mga kumukuwestiyon sa validity nito sa pagkakaroon ng quorum.
Sa panayam ng programang BOSES, sinabi ni IBP National President, Atty. Allan Panolong, na nakabatay ang kanilang posisyon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco noong 1949.
Ani Panolong, ang lahat ng aksyon, resolusyon, at desisyong ginawa sa sesyon—kabilang ang pagkakahalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno ng komite ay itinuturing na opisyal at may bisa.
Paliwanag pa ng IBP, na sapat ang presensya ng 12 senador upang magkaroon ng quorum dahil may dalawang senador na hindi maituturing na available para gampanan ang kanilang tungkulin sa Senado.
Dahil dito, 22 lamang ang itinuturing na available na miyembro ng Senado, at ang presensya ng 12 senador ay sapat na upang makabuo ng quorum.