Sinabi ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega, na hindi siya magtataka kung magkakaroon pa ng pagbabago sa hanay ng mayorya at minorya sa Senado habang nagpapatuloy ang usapin sa liderato ng kapulungan.
Sa isang panayam, sinabi ni Ortega na nananatiling pabago-bago ang mga alyansa sa Senado at maaari pang magkaroon ng paglipat ng mga senador sa magkabilang panig.
Gayunman, nilinaw niyang wala siyang direktang impormasyon tungkol dito at nakabatay lamang ang kanyang obserbasyon sa mga nakikitang galaw sa pulitika.
Aniya, posible pang magbago ang bilang ng mga kasapi sa bawat bloke habang nagpapatuloy ang usapin tungkol sa pagiging lehitimo ng liderato at kontrol sa mga komite ng Senado.
Apektado rin ng sigalot ang Senate Blue Ribbon Committee, na nagsagawa kamakailan ng magkahiwalay na pagdinig sa ilalim ng magkaibang committee chair.
Nauna nang sinabi ni Ortega na kinikilala ng Kamara ang lideratong pinamumunuan ni acting Senate President Win Gatchalian at inaasahang magpapatuloy nang maayos ang mga komite ng Senado.
Iginiit din niya, na nananatiling nakatuon ang Kamara sa kanilang mandato, lalo na sa impeachment proceedings laban sa bise presidente, na inaasahang uusad sa oras na simulan ng Senado ang paglilitis bilang impeachment court.#