Nagsagawa na ng malawakang imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para tuntunin ang mga indibidwal na nasa likod ng mga kumakalat na post sa social media hinggil sa umano’y suspensyon ng klase, ngayong araw.
Kasabay nito, nagbabala si PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga gumagawa nito na mahaharap sa kaukulang parusa sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Ayon sa PNP Chief, kaniya nang inatasan ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) para tukuyin ang pinagmulan ng mapanlinlang na mga ulat alinsunod na rin sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nauna nang nagbabala ang Department of Education (DepEd) tungkol sa isang pekeng post sa social media, na nag-aanunsiyo ng suspensyon ng pagbubukas ng klase, ngayong June 8.
Nilinaw ng DepEd na wala itong inilabas na ganitong pahayag at hinikayat ang publiko na umasa lamang sa kanilang mga opisyal na paraan ng komunikasyon.
Maliban na lamang sa ilang lugar sa Mindanao, na apektado ng Magnitude 7.8 na lindol na tumama ngayong umaga.