Ipinag-utos na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa lahat ng DSWD Field Office regional directors ng Mindanao ang agarang koordinasyon sa mga local government unit na apektado ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa lalawigan ng Sarangani at iba pang lugar sa Mindanao ngayong Lunes, June 8.
“Kasunod ng magnitude 7 na lindol na naramdaman sa Sarangani, General Santos City, at mga kalapit na lugar, nakaantabay ang DSWD Field Office 12 at inihahanda na ang mga kinakailangang response assets,” — Secretary Gatchalian
Ayon sa kalihim, may 1.1 million boxes ng family food packs (FFPs) ang naka-standby sa Mindanao at handang ipamahagi sa mga apektado ng lindol.
Sa datos ng Disaster Response Management Group (DRMG) as of June 2, mayroong 4.7 million FFPs ang naka-preposisyon sa buong bansa na handang ipamahagi kung kinakailangan.
Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inatasan na ng DSWD chief ang lahat ng field offices upang ihanda ang pag-deploy ng logistic at manpower resources.
“Gaya ng sabi ng ating Pangulo, President Ferdinand R. Marcos Jr., ‘we will not leave Mindanao behind’. Sinisiguro po natin na agad tayong makakapagpadala ng tulong dahil mayroon tayong sapat na FFPs na nakalagak sa iba’t ibang warehouses natin sa Mindanao,” — Secretary Gatchalian
Naka-standby na rin ang Quick Response Teams (QRTs) ng DSWD field offices at patuloy ang monitoring at koordinasyon sa mga LGU para sa posibilidad ng resource augmentation.
“DSWD is more than ready to provide immediate response by supporting the needs of the affected families in the entire Mindanao. In fact, we have directed all Field Offices to coordinate closely with the LGUs and deploy social workers in designated evacuation centers to work with the local social workers,” — Secretary Gatchalian.
Idineploy na rin ng DSWD ang kanilang mobile command centers, mobile kitchens, at iba pang mga kagamitan.
“Nakahanda na rin ang ating Quick Response Team at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa LGU para sa posibleng pagde-deploy ng mobile command center at mobile kitchen kung kinakailangan,”
Pinapayuhan naman ng kagawaran ang publiko na makipag-ugnayan sa kani-kanilang LGUs para sa pinakamalapit na evacuation center sa kanilang lugar ngayong nakataas ang tsunami warning at may inaasahan pang aftershocks.
“Patuloy nating mino-monitor ang sitwasyon upang matiyak na agad na maihahatid ang tulong sa mga maaapektuhang komunidad,” — Secretary Gatchalian.