Nananatiling nakataas ang heightened alert status ng Philippine Coast Guard (PCG) kasunod ng malakas na lindol kaninang umaga sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa PCG, patuloy ang koordinasyon nila sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad.
Nagbigay din ng emergency assistance ang mga responder ng Coast Guard District Southeastern Mindanao matapos ang malakas na lindol sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Tinulungan nila ang mga estudyante na nagtamo ng minor injuries at iba pang nawalan ng malay dahil sa insidente.
Agad dinala sa ospital ang mga pasyente para sa agarang medical evaluation at gamutan. Patuloy ding mino-monitor ng PCG ang lagay ng mga baybayin dahil sa tsunami alert na inilabas ng PHIVOLCS matapos ang lindol.