Bukas ang Malacañang sa suhesyon ni dating Senate President Franklin Drilon na dapat nang mamagitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa nagpapatuloy na sigalot sa hanay ng mga Senador.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, magandang panukala ito mula sa isang dating pinuno ng Senado, at isang public servant.
Si Pangulong Marcos Jr. naman aniya, hindi isinasara ang kaniyang pintuan sa mga ganitong klase ng mungkahi.
“Maganda pong panukala po ‘yan, nanggagaling sa dating senate president, iginagalang na isang public servant at ang Pangulo naman po ay hindi sarado ang pintuan sa mga ganiyang klaseng mungkahi at suggestion.” —Castro.
Ang tanong lamang aniya dito, ayon sa Palasyo, uubra ba ang mga ganitong klase ng paraan kay Senator Alan Peter Cayetano.
Duda rin ang Palasyo sa isinusulong ni Cayetano na interim proposal para sa termino nila Senator Win Gatchalian bilang Senate President.
Ayon kay Castro, baka maulit na naman kasi ang nagyari noon sa House of Representatives (HOR) kung saan nagkaroon ng gentlemen’s agreement sina Cayetano at dating Marinduque Representative Lord Allan Velazco, ngunit hindi ito agad na tinupad ni Cayetano noong 2020, dahilan kung bakit naantala ang pagpasa ng 2021 national budget sa ilalim ng Duterte Administration.
Pagbibigay diin ni Castro, ang liderato ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang kinikilala ng Malacañang, at wala nang iba pa. “Muli ang kinikilala ng ehekutibo ay si Senator Sherwin Gatchalian, walang maidudulot sa ngayon ng ganitong klaseng arrangement, baka mangyari na naman ang nangyari dati sa House of Representatives, kung saan mayroon na silang term sharing agreement na hindi tinupad agad ni Senator Alan Cayetano. Again, uulitin natin, tanging si Senator Sherwin Gatchalian ang kinikilala nating liderato ngayon sa senado.” —Castro.