Mahigpit na naka-monitor na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa lagay ng telecommunications at internet connectivity sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.
Ayon sa DICT, nakikipag-ugnayan na ito sa telcos at iba pang ahensya para matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon para sa emergency response operations.
Batay sa paunang ulat kaninag alas-9:30 ng umaga, nananatiling normal ang serbisyo ng Globe sa mga apektadong lugar.
Samantala, may mga lugar sa General Santos City na may mahina nang signal ng Smart habang may 54 cell sites ng DITO Telecommunity ang pansamantalang offline sa ilang bahagi ng Mindanao.
Wala namang naitalang backbone o access downtime ang Converge.
Kabilang naman sa mga lugar na nakararanas ng power at internet interruptions ang General Santos City, South Cotabato, at Koronadal City.
Samantala, nananatiling matatag ang telecommunications services sa Marawi City, Sultan Kudarat, at ilang bahagi ng North Cotabato.
Kaugnay nito, agad na nag-deploy na ang DICT ng tatlong Starlink units sa General Santos City at iba pang prayoridad na lugar sa Sarangani para masuportahan ang emergency communications.#