Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na sumiklab sa Davao Convention Center dakong alas-10 ng umaga ngayong araw, June 8, 2026, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). Bandang alas-11 ng umaga, nasa fire suppression stage na ang operasyon ng mga bumbero at patuloy na inaapula ang mga natitirang bahagi ng apoy sa gusali.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Kabilang sa mga tinitingnang posibilidad kung may kaugnayan ito sa malakas na lindol na yumanig sa Davao City kaninang umaga, bagamat wala pang opisyal na kumpirmasyon sa ngayon.
Nilimitahan muna ng mga awtoridad ang pagpasok sa ilang bahagi ng Davao Convention Center habang sinusuri ang kaligtasan ng gusali. Ayon sa mga responder, malaking bahagi ng istruktura ay yari sa kahoy kaya may pangamba sa posibleng pagguho o pagbagsak ng mga bahagi nito.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang assessment sa mahigit 30 taong gulang na gusali habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa sanhi ng sunog at lawak ng pinsala. | ulat ni Kate Laquihon-Lao | RP Davao 📷 Ysrael Damaolao

