Patuloy sa pagtanggap ng ulat ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa pinsalang idinulot ng Magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at mga karatig lalawigan nito, kaninang umaga.
Batay sa 10am update na nakuha ng PNP mula sa Police Regional Office 12, nakapagtala na sila ng tatlong nasawi at apat na sugatan sa pagyanig.
Nagpapatuloy din ang isinasagawang Rapid Damage Assessment ng PNP sa pakikipag-ugnayan sa Office of Civil Defense (OCD) at mga lokal na pamahalaan hinggil sa lawak ng pinsala sa mga apektadong lugar.
Batay sa ulat, nakapagtala ng pagguho ng lupa dahil sa lindol habang ilang imprastraktura rin ang naapektuhan kabilang na ang dalawang paaralan, dalawang ospital, 14 na commercial establishment, at dalawang kabahayan.
Sa ngayon, ipinakalat na ang nasa 390 Search and Rescue Personnel, 23 mobile units, at 100 tauhan sa mga vital installation habang 150 naman ang naka-standby.
Patuloy na pinaalalahanan ng mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado subalit alerto at sumunod sa mga safety advisory habang nagpapatuloy ang operasyon sa mga apektadong lugar.