Muli nang pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng poultry products mula Argentina. Ito ay matapos makumpirmang kontrolado na ng naturang bansa ang outbreak ng highly pathogenic avian influenza o bird flu.
Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagbawi sa naunang kautusan na nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na ibon, poultry meat, day-old chicks, itlog, at poultry semen mula Argentina.
Ayon sa Bureau of Animal Industry, napakababa na ng panganib ng kontaminasyon mula sa mga poultry products na magmumula sa naturang bansa.
Sinabi naman ni Tiu Laurel, na makatutulong ang muling pagbubukas ng poultry trade sa pagpapalawak ng pinagkukunan ng poultry products at breeding materials, na mahalaga sa pagpapatatag ng suplay ng pagkain at pagsuporta sa lokal na industriya ng manok.