Courtesy of Mandaue City Councilor Joel Seno
Mahigit 4,000 mag-aaral ng Mandaue City Central School sa Cebu ang nakatanggap ng storybooks, bags, at school supplies mula sa Department of Education (DepEd) sa isinagawang simultaneous kickoff distribution ngayong araw, June 9, 2026.
Ang mga mag-aaral ay mula Kindergarten hanggang Grade 3 ng nasabing paaralan na isa sa tatlong mga paaralan sa buong bansa na napili para sa launching ng naturang programa.
Ang hakbang na ito ng Deped ay bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang literacy ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng educational materials na maghihikayat sa kanila upang magbasa at malinang ang kanilang kakayahan sa pag-unawa.

Ayon kay Education Assistant Secretary Janir Datukan, kailangang matutong magbasa ang mga mag-aaral sa maagang yugto ng kanilang pag-aaral dahil sa nakikitang mababang literacy ng mga ito.
Maliban sa storybooks at bags, nakatanggap din ang mga mag-aaral ng notebooks, mga lapis, krayola, sharpener at eraser.
Malaki ang pasasalamat ni Alpha Vergara, Grade 3 teacher ng nabanggit na paaralan, dahil isa ang kanilang eskwelahan sa mga napili para sa launching ng naturang programa ng DepEd. Ang iba pang dalawang paaralan ay sa Taytay sa Rizal at sa Mati City sa Davao Oriental.
Sinabi ni Vergara mas magiging motivated pa ang kanilang mga mag-aaral sa pagpasok sa eskwela dahil sa kanilang natanggap na bags, school supplies at storybooks mula sa pamahalaan. | ulat ni Sheila Gravinez | RP Cebu