Photo by DSWD
Walang tigil ang buhos ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon sa DSWD, nakapaghatid na ito ng mahigit ₱4.2 milyong halaga ng humanitarian assistance sa mga apektadong pamilya, kabilang ang family food packs at iba pang relief items.

Sa pagbisita rin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa Sarangani Provincial Hospital at Dr. Jorge P. Royeca City Hospital sa General Santos City, namahagi ito ng tulong-pinansyal sa mga pasyente.
Sa kabuuan, 126 na pasyente ang tumanggap ng tig-₱10,000 financial assistance sa Sarangani Provincial Hospital, habang 295 na pasyente naman ang nabigyan ng cash aid sa Dr. Jorge P. Royeca City Hospital sa General Santos City.
Tulong ito para sa kanilang gastusing medikal, pagkain, at iba pang agarang pangangailangan habang nagpapagaling mula sa epekto ng sakuna.

Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, umabot na sa halos 33,000 pamilya o mahigit 145,000 indibidwal ang apektado ng sakuna.
Sa bilang na ito, mahigit 31,000 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center habang halos 9,000 naman ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Nakapagtala rin ang DSWD ng humigit-kumulang 460 kabahayang lubos na napinsala habang mahigit 2,000 naman ang partially damaged.#