Patuloy na ginagawang kapaki-pakinabang ng Bureau of Customs (BOC) ang mga nakumpiskang kalakal sa pamamagitan ng agarang at legal na pamamahagi ng mga ito sa mga ahensya ng pamahalaan at katuwang na institusyon upang maiparating sa mga komunidad na nangangailangan sa buong bansa.
Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel Nepomuceno, pinalalakas ng BOC ang mga programa nito para sa donasyon at disposisyon ng mga na-forfeit na ari-arian alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas mapakinabangan ang mga yaman ng pamahalaan para sa kapakanan ng mamamayan.
Sa isinagawang Collectors Conference, iniulat ni Port Operations Service Director Melon Carlo Santiago ang mga hakbang ng iba’t ibang pantalan upang mapabilis ang proseso ng donasyon ng samu’t saring kalakal. Kabilang dito ang mga damit, sapatos, school supplies, tent, at multifunction mobile power supply units na maaaring agad magamit ng mga benepisyaryo.
Ayon sa BOC, nakalaan ang mga nasabing kagamitan upang makatulong sa relief operations, pagsuporta sa edukasyon, at pagpapalakas ng kahandaan ng mga komunidad, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyo at madalas tamaan ng kalamidad.
Bukod sa mga pangunahing pangangailangan, kasama rin sa mga ipamamahaging na-forfeit na ari-arian ang mga produktong petrolyo, sasakyan, at mga sasakyang-pandagat na gagamitin upang suportahan ang iba’t ibang operasyon ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pantalang nakikibahagi sa programa ang Manila International Container Port (MICP), Port of Manila (POM), Ninoy Aquino International Airport, at mga Pantalan ng Batangas, Iloilo, Surigao, Aparri, Legazpi, at Cagayan de Oro.
Ang mga nakumpiskang kalakal ay pormal na ipagkakaloob sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at mga akreditadong partner organizations upang matiyak ang maayos, malinaw, at episyenteng pamamahagi ng mga ito sa mga komunidad na higit na nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno na nananatiling layunin ng BOC na matiyak na napakikinabangan ng publiko ang mga na-forfeit na kalakal sa halip na masayang o mapabayaan.
“Ang layunin natin ay masigurong napapakinabangan ng taumbayan ang mga forfeited goods. Imbes na masayang o matengga ang mga ito, patuloy tayong makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at partner institutions para maipamahagi nang maayos at naaayon sa batas,” ani Nepomuceno.
Bahagi ang inisyatibang ito ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ng BOC na naglalayong isulong ang mas transparent at episyenteng operasyon ng ahensya, kasabay ng whole-of-government approach ng administrasyon para sa social welfare at community development.