Kinuwestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano ang impormasyon tungkol sa banta sa seguridad ng Senado, impormasyong inilabas ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na kung totoo ang naturang impormasyon ay dapat ibahagi ang impormasyon sa lahat ng mga senador, mga kawani ng Senado at iba pang nagtratrabaho sa mataas na kapulungan.
Kailangan rin aniyang masagot kung ano ang pinanggalingan ng naturang banta, sino ang nagsuri nito at anong ebidensya ang naging batayan.
Pinunto rin ni Cayetano na ang impormasyon tungkol sa banta ay nanggaling sa national Bureau of Investigation (NBI), na aniya’y kamakailan ay nasangkot sa mga insidente sa Senado.
Tanong rin ni Senator Alan, ano ang naging papel ng AFP, PNP, at National Intelligence Coordianting Agency (NICA) sa pagtukoy ng bantang ito sa Senado.
Ayon sa senador, sa isang maayos na lehislatura, ang impormasyong tungkol sa anumang banta sa institusyon ay dapat ibinabahagi sa buong Senado at hindi lang sa isang grupo o paksyon.
Binigyang diin ni Cayetano na hindi dapat ginagamit ang usapin ng seguridad bilang kasangkapan sa pulitika.
Kinuwestiyon rin ng senador ang timing ng paglalabas ng naturang impormasyon matapos ang pagdinig ng kanilang grupo nitong Huwebes kaugnay ng flood control anomaly. | ulat ni Nimfa Asuncion