Naglaan ang Department of Education (DepEd) ng mahigit P500 milyon para sa iba’t ibang tulong sa mga paaraalan na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani.
Sa direktiba ni Education Secretary Sonny Angara, naglaan ng P235 milyon para sa 130 fully equipped Learning Continuity Spaces o LCS na may emergency power at Wi-Fi connectivity, habang P258 milyon naman ang inilaan para sa pag-imprenta at mabilis na paghahatid ng mga prepositioned learning packet para sa mga apektadong mag-aaral.
Naglaan din ang DepEd ng P7.7 milyon para sa clean-up at clearing operations sa 267 apektadong paaralan at P43 milyon para sa minor repairs ng mga nasirang silid-aralan.
Ayon kay Angara, nananatiling prayoridad ng DepEd ang kaligtasan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral habang isinasagawa ang mga hakbang sa mga naapektuhang komunidad.
Batay sa paunang assessment ng DepEd, nasa 1,391 silid-aralan sa 267 pampublikong paaralan ang nagtamo napinsala, kabilang ang 199 na tuluyang nawasak. Dahil dito, suspendido pa rin ang klase sa 8,208 paaralan habang 818 naman ang nakabalik na sa in-person classes.