Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ang libo-libong magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Southern Leyte sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program o PAFFP.
Ayon sa Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, umabot sa 1,169 na municipal fisherfolk ang nabigyan ng tig-P2,325 na unconditional cash assistance. Kasabay nito, 1,930 namang lokal na magsasaka ang tumanggap ng direktang ayuda mula sa programa.
Pinangunahan ng DA Region 8 at BFAR Region 8, sa pamamagitan ng Provincial Fishery Office sa Southern Leyte, ang pamamahagi ng ayuda katuwang ang mga lokal na pamahalaan o LGUs.
Kabilang sa mga nakinabang sa programa ang mga residente mula sa mga bayan ng Macrohon, Padre Burgos, Limasawa, Malitbog, Tomas Oppus, Bontoc, at Maasin City.
Bago makatanggap ng ayuda, sumailalim muna sa masusing validation ang mga benepisyaryo gamit ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA para sa mga magsasaka at Municipal Fishing Vessels and Gears Registration o BoatR system para naman sa mga mangingisda.
Layunin ng PAFFP na mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina at mahahalagang agricultural inputs na kinakailangan sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa pamamagitan ng direktang pagbibigay ng cash assistance, inaasahang mapapalakas ang kabuhayan at katatagan ng lokal na ekonomiya sa lalawigan.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 3,099 na vulnerable farmers at fisherfolk sa Southern Leyte ang natulungan ng programa.
Inaasahan namang madaragdagan pa ito pagsapit ng Hunyo habang ipinatutupad ang susunod na yugto ng pamamahagi sa iba pang mga bayan sa probinsya.
📷 BFAR Southern Leyte