Walang natalang malaking sira sa mga pampublikong paaralan sa Davao City sa kabila ng pagyanig na nangyari nitong Lunes ng umaga, June 8, 2026 bunsod ng 7.8 Magnitude na lindol na sumentro sa Maasim, Sarangani Province.
Ito ang naging pahayag ni City Information Office Head Harvey Lanticse sa isang pahayag.
Ayon kay Lanticse, base sa kanyang pakikipag-usap kay Department of Education Davao City Schools Division Superintendent Reynante Solitario, wala itong natanggap na reports na mayroong mga malalaking sira sa mga school buildings sa lungsod.
Ngunit sa kabila ng magandang balita, ay patuloy pa rin ang suspensyon ng klase sa buong lungsod ngayong araw, June 9, 2026 upang magsagawa ng structural assessment ang Office of the City Building Official at City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga gusali.
Ani Lanticse na nais lang tiyakin ng lokal na pamahalaan na ligtas ang mga paaralan bago nito pabalikin ang mga estudyante dahil kakasimula pa lang ng School Year 2026-2027.
Dagdag ng opisyal na tatanggalin lang nito ang nasabing suspensyon kung magbibigay na ng clearance ang nasabing tanggapan na ligtas na itong gamitin ng mga mag-aaral. | ulat ni Armando Fenequito | Radyo Pilipinas Davao