Nakahanda na ang National Housing Authority (NHA) na magbigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa baybayin ng Sarangani Province.
Sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program, mabibigyan ng pinansyal na ayuda ang mga pamilyang nagtamo ng bahagya o lubos na pinsala sa kanilang mga tahanan.
Pinag-aaralan na rin ng ahensya ang pagtatayo ng mga permanenteng pabahay para sa mga residenteng nawalan ng bahay sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims.
Una nang ipinag-utos ni NHA General Manager Joeben Tai ang agarang assessment sa mga housing project na posibleng naapektuhan ng malakas na lindol upang matukoy ang lawak ng pinsala.
Nagsagawa na ng inspeksiyon ang mga regional office ng NHA sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at CARAGA upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at kondisyon ng mga pasilidad.
Patuloy pa ang pakikipag-ugnayan ng NHA sa mga lokal na pamahalaan para mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng pabahay at iba pang pamilyang apektado ng sakuna.