Handa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpadala ng kanilang mga tauhan at kagamitan sa mga rehiyon ng Davao at SOCCSKSARGEN kasunod ng pagtama ng Magnitude 7.8 na lindol doon.
Ayon kay MMDA Chair Atty. Don Artes, nakahanda ang kanilang Search and Rescue (SAR) Team para sa agarang deployment kung kakailanganin.
Bukod dito, nakaantabay din ang iba pang kagamitan ng MMDA gaya ng water filtration units upang makatulong sa pagbibigay ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga apektadong residente.
Sinabi ni Artes na bahagi ito ng kahandaan ng ahensiya upang makatulong sa mga Search, Rescue at Relief operations sa sandaling mangailangan ng karagdagang suporta ang mga apektadong lugar.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang MMDA sa Office of Civil Defense para sa bantayan ang sitwasyon at upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa panahon ng sakuna.


