Inihayag ng United Nations (U.N.) sa Pilipinas nitong Lunes na aktibo nitong sinusuri ang epekto ng mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao at nakahandang tumulong sa mga hakbang para sa pagbangon at rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.
Sa isang pahayag ng pakikiisa, sinabi ng U.N. na malapit itong nakikipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas at iba pang humanitarian partners upang matukoy ang buong lawak ng pinsalang dulot ng lindol.
“Ipinapahatid ng United Nations sa Pilipinas ang aming pinakamalalim na pakikiramay sa mga mamamayan ng Mindanao at iba pang apektadong lugar kasunod ng mapaminsalang lindol noong Hunyo 8. Nakikiramay kami sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa mga komunidad na nakaranas ng matinding pinsala sa mga tahanan at imprastraktura,” ayon sa pahayag ng organisasyon.
Binigyang-diin ng U.N. na patuloy ang koordinasyon nito sa pambansa at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at magkakaugnay na pagtugon sa sakuna.
Pinuri rin nito ang mabilis na aksyon ng mga awtoridad sa pagtugon sa epekto ng lindol.
“Pinupuri ng United Nations ang pambansa at lokal na mga awtoridad para sa kanilang agarang pagtugon. Kasama ang pamahalaan at iba pang katuwang, sinusuri namin ang epekto ng lindol at nananatili kaming handang suportahan ang mga pagsisikap sa pagtugon at rehabilitasyon,” dagdag ng U.N.
Nagpahayag din ito ng pagkilala sa dedikasyon ng mga first responder, medical personnel, at mga boluntaryong patuloy na nagsasagawa ng search and rescue operations at nagbibigay ng kinakailangang ayuda sa mga apektadong residente.
“Pinupuri namin ang katapangan at dedikasyon ng mga first responder, mga kawani ng kalusugan, at mga boluntaryong walang kapagurang nagtatrabaho upang makapagsalba ng buhay at makapaghatid ng tulong,” ayon pa sa pahayag.
Kasabay nito, muling iginiit ng U.N. ang pangmatagalang suporta nito sa Pilipinas sa usapin ng disaster rehabilitation at pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad laban sa mga sakuna at epekto ng pagbabago ng klima.
Ayon sa organisasyon, mahalagang bahagi ng pagbangon ang pagtatatag ng mas matatag at mas handang mga pamayanan upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa hinaharap.