Photo courtesy of RDRRMC XI / RD Ednar Dayanghirang
Nakatakdang magsagawa ng aerial assessment, site visit, at relief operations sa Davao Occidental ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) XI kasunod ng malakas na lindol na tumama sa lugar.
Pangungunahan ni RDRRMC Chairperson at Office of Civil Defense XI Regional Director Ednar Dayanghirang kasama si DSWD XI Regional Director Rhuelo Aradanas, ang naturang misyon.
Layunin ng operasyon na magsagawa ng aerial reconnaissance upang masuri ang lawak ng pinsala, partikular sa mga lugar na naapektuhan ng pagguho ng lupa, katuwang ang Mines and Geosciences Bureau o MGB XI.
Magde-deploy din ang konseho ng karagdagang Search, Rescue, and Retrieval o SRR teams upang suportahan ang mga lokal na responder sa mga apektadong komunidad.
Kasabay nito, magsasagawa rin ng aerial relief operations upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga residente, lalo na sa mga lugar na mahirap marating sa pamamagitan ng lupa.
Ayon sa RDRRMC XI, bahagi ng misyon ang pagpapalakas ng assessment, response, at relief efforts upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol sa Davao Occidental. | ulat ni Kate Laquihon-Lao