Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan agad sa mga apektadong lokal na pamahalaan para masiguro ang kaligtasan ng mga manggagawa at mga lugar ng trabaho kasunod ng malakas na lindol na tumama sa malaking bahagi ng Mindanao.
Nagpahayag rin ng pakikiramay ang senador sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna, lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay.
Ayon kay Villanueva, nakikiisa siya sa dalamhati ng mga residente sa Mindanao at umaasang mabibigyan ng lakas at pag-asa ang mga biktima habang patuloy silang bumabangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.
Pinuri rin ng senador ang mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa pamamagitan ng magkakaugnay na pagkilos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan.
Habang unti-unti aniyang binabalik sa normal ang operasyon ng mga opisina at industriya sa mga apektadong lugar, iginiit ni Villanueva ang kahalagahan ng inspeksyon sa mga gusali at pasilidad upang matiyak na ligtas ang mga ito para sa mga empleyado.
Binigyang-diin ng senador na sa ilalim ng Occupational Safety and Health Standards Law, na kanyang isinulong, may karapatan ang bawat manggagawa na magkaroon ng ligtas at maayos na lugar ng paggawa.
Ayon pa kay Villanueva, ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga manggagawa at kanilang mga pinagtatrabahuhan ay hindi lamang obligasyong nakasaad sa batas kundi isang mahalagang responsibilidad ng pamahalaan para sa kapakanan ng mamamayan. | ulat ni Nimfa Asuncion