Sa mensaheng inilabas ni WHO Regional Director for the Western Pacific Region Dr. Saia Ma’u Piukala na ibinahagi ng Department of Health (DOH), inihayag na naka-standby ang WHO Philippines Country Office at kasalukuyang nakikipag-ugnayan kay DOH Secretary Ted Herbosa upang suportahan ang government-led response.
Tiniyak pa ng opisyal ng WHO na handa ring tumulong ang iba pang United Nations partners at civil society organizations.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang WHO sa gobyerno ng Pilipinas at sa mamamayang Pilipino dahil sa mga nasawi sa trahedya, kasabay ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga biktima. Pinasasalamatan din ang mga rescue at recovery teams, mga health provider, at lahat ng walang sawang tumutulong sa mga nangangailangan sa insidente.