Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules ang 30-araw na pagpapalawig sa ₱50 kada kilong price cap o limitasyon sa presyo ng 5 percent broken imported rice.
Nakatakdang magpulong ang DA at ang mga miyembro ng National Price Coordinating Council (NPCC) ngayong Huwebes upang talakayin ang nasabing panukala.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Willie Ann Angsiy, layon ng rekomendasyong ito na bigyan ng patas na laban ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagpapanatili ng makatwirang presyo ng bigas sa merkado.
“Gusto talaga nating magkaroon ng basically fighting chance ’yung ating local rice,” pahayag ni Angsiy sa isang ambush interview sa Guadalupe Commercial Complex sa Makati City. “Para rin talagang ma-regulate natin itong mga pumapasok na imported rice.”
Nilinaw naman ng opisyal na rekomendasyon pa lamang ito at ang pinal na desisyon ay nakadepende pa rin sa NPCC at sa Pangulo.
Kasalukuyang Presyo ng Bigas sa Metro Manila
Batay sa pinakahuling ulat ng DA Bantay Presyo, ito ang umiiral na presyuhan ng bigas:
| Uri ng Bigas | Imported (Kada Kilo) | Lokal (Kada Kilo) |
| Premium | ₱50 | ₱48 – ₱62 |
| Well-Milled | ₱46 – ₱62 | ₱50 |
| Regular Milled | ₱45 – ₱48 | ₱45 |
Pagsunod ng mga Retailer, Tumaas
Samantala, iniulat ng DA na umakyat na sa mahigit 80 porsyento ang compliance rate o antas ng pagsunod ng mga tindero sa Metro Manila, mas mataas kumpara sa naunang naitalang 70 porsyento.
Gayunpaman, inamin ng ahensya na nahihirapan pa silang makakuha ng kumpletong datos sa labas ng kalakhang Maynila, partikular na sa mga malalayong lalawigan.
Hinggil naman sa mga lumabag sa price cap, kinumpirma ni Angsiy na dinala na sa kanilang adjudication officers ang mga Notice of Violation (NOV). Sa 36 na tindahang pinadalhan ng notice, 13 na umano ang naghain ng kanilang opisyal na paliwanag matapos ibigay ang 48-oras na deadline.