Bagsak ang bahagi ng tulay na nag-uugnay sa bayan ng Malapatan at Glan sa Saranggani Province sanhi upang hindi makadaan ang mga sasakyan sa nasabing highway.
Kaugnay nito, tumatawid ang mga tao sa pamamagitan ng pagsakay ng bangka papunta sa kabilang kalsada.
Agad namang sinimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Sarangani ang paghahatid ng construction materials upang masimulan ang pagkumpuni ng nasabing tulay.
Ayon kay Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-12 Director Rodrigo Sosmeña sa ginawang press conference sa tanggapan ng Office of Civil Defense, inaasahang maisasaayos ang mga kalsada patungong Glan sa loob ng isang linggo. Wala naman itong sinabi kung kailan matatapos ang repair sa naputol na tulay sa Sapu Masla, Malapatan.
Sa ngayon patuloy pa rin ang response operation ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga apektado ng Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa General Santos City at karatig lugar noong Lunes, June 8. | ulat ni Macel Mamon-Dasalla | Radyo Pilipinas Davao