Nagulantang ang pagbubukas ng klase sa Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) Eastern Samar matapos matagpuang walang buhay at tadtad ng saksak ang isang iginagalang na school head sa masukal na bahagi ng Brgy. Alang-Alang sa bayang ito, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng Eastern Samar Police Provincial Office (ESPPO) ang biktima na si Mr. Anthony Y. Pardilan, 36-anyos, na nagsisilbing pinuno ng Naga Elementary School sa Quinapondan District.
Ayon sa ulat ng Quinapondan Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa isang residente bandang 2:40 ng madaling-araw hinggil sa isang bangkay na nakadapa sa madamong lugar.
Agad silang rumesponde kasama ang mga tauhan ng MDRRMO, kung saan narekober ang labi ng biktima na tinakpan pa ng mga damo. Ayon sa pagsusuri ng Eastern Samar Provincial Forensic Unit (ESPFU) o SOCO, nagtamo si Pardilan ng tatlong malalalim na saksak—dalawa sa kaliwang bahagi ng kanyang likod at isa sa kanang kili-kili—na siyang naging sanhi ng mabilis nitong kamatayan.
Hindi nag-aksaya ng panahon ang kapulisan. Sa eksklusibong panayam ng Radyo Pilipinas Borongan kay ESPPO Provincial Director P/Col. Ernesto R. Macasil, kinumpirma nitong naaresto na ang dalawang suspek sa ikinasang hot pursuit operation hapon ng Hunyo 8, 2026, bandang 1:40 ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Joel” at alyas “Jeric” na nadakip sa Sitio Sabang, Barangay Guinbalot-an, Sta. Rita, Samar. Nasabat din sa kanilang posisyon ang motorsiklo ng biktima na ginamit ng mga ito sa kanilang pagtakas.
“Personal na motibo” ang dahilan ng krimen.
Ang mabilis na pagkakadakip sa mga suspek ay bunga ng pinagsanib na pwersa ng Quinapondan MPS, Provincial Intelligence Unit (PIU) ng ESPPO, Sta. Rita MPS, at 805th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8 (RMFB8).
Nasa piitan na ngayon ng Quinapondan MPS ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Murder ngayong araw sa Provincial Prosecutor’s Office sa Borongan City. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar, RP Borongan
📸: ESPPO, Jeffeey Germones