Isinusulong ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang agarang paglalaan ng karagdagang P15 bilyong pondo para sa relief, rehabilitation, at reconstruction ng mga lugar sa Mindanao na sinalanta ng magnitude 7.8 na lindol nitong Lunes.
Sa inihain niyang Senate Bill No. 2259, hiniling ni Pangilinan ang supplemental appropriation para sa taong ito upang matugunan ang matinding pinsalang dulot ng lindol sa mga lalawigan at lungsod sa Region XI at Region XII.
Ayon sa senador, mahalagang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan, ang muling pagpapatayo ng mga nasirang imprastraktura, ang pagpapanumbalik ng mga pangunahing serbisyo, at ang pagsuporta sa kabuhayan ng mga residente.
Nakasaad sa panukala na kukunin ang pondo mula sa mga available na pondo ng National Treasury at idadagdag ito sa kasalukuyang badyet ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang sa mga ahensiyang makatatanggap ng pondo ang Department of Agriculture, Department of Education, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Transportation (DOTr), mga state universities and colleges, at mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar. Para matiyak ang transparency at accountability, inatasan ang Department of Budget and Management (DBM), NDRRMC, Commission on Audit (COA), Senate Committee on Finance, at House Committee on Appropriations na bantayan ang paggamit ng pondo sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga regular na quarterly reports na isusumite ng mga ahensiya, LGUs, at GOCCs na makatatanggap ng dagdag na pondo.