Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapaigting sa kakayahan ng Philippine Navy, sa gitna ng mga hamon sa seguridad sa rehiyon.
Sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Navy, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan na mapanatiling matatag at moderno ang Hukbong Dagat ng Pilipinas, upang maprotektahan ang soberanya at mga interes nito sa karagatan.
Ginamit din ni Pangulong Marcos Jr. ang pagkakataon, upang atasan ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palawakin pa ang kanilang balikatan sa mga kaalyado at friendly forces ng bansa, upang higit na mapalakas ang kakayahan ng AFP.
Ngayong araw, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang commissioning ng BRP Rajah Lakandula, na aniya ay makatutulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng Navy na pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa at igiit ang soberanya ng Pilipinas.
Samantala, pinasalamatan din ng Pangulo ang Naval Forces Eastern Mindanao sa agarang pag-activate ng disaster response mechanisms at paglalagay sa kanilang rescue teams sa heightened alert kasunod ng malakas na lindol sa Mindanao.