Hinihintay pa ng Senado ang magiging assessment ng executive branch sa sitwasyon sa Mindanao para matukoy kung kakailanganin pa bang manghingi ng special session para makapagpasa ng supplemental budget.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian, sa ngayon ay mayroon pang P180 billion na available funds na maaaring gamitin para sa reconstruction at direct assistance sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao nitong Lunes.
Kabilang na aniya sa numerong ito ang P17 billion na NDRRM fund, at P32 billion na Local Government Support Fund (LGSF).
Sinabi ni Gatchalian na hinihintay pa nila ang assessment ng Office of Civil Defense (OCD) kung magkano pa ang kailangan sa pagtulong sa mga biktima ng malakas na lindol at sa rehabilitasyon ng mga nasirang istraktura sa Mindanao.
Samantala, plano rin nina Gatchalian na magtungo sa Mindanao bukas para ipaabot ang tulong sa mga apektado ng lindol.
Ayon kay Acting Senate President, kasama niyang pupunta sa mga apektadong lugar sina Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. JV Ejercito, at Sen. Erwin Tulfo.
Matatandaang inanunsyo ng 12 na senador mula sa new Senate majority bloc na ido-donate nila ang isang buwang sweldo nila para makatulong sa mga naaapektuhan ng malakas na lindol.
Bukod dito, nakatakda ring mamigay ang mga senador ng bigas at food packs.