Nakabalik na sa bansa nitong Miyerkules ang 22 Pilipinong biktima ng human trafficking mula sa Cambodia, kasunod ng pinaigting na repatriation efforts ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon sa pahayag ng Department of Migrant Workers, naisakatuparan ang matagumpay na pag-uwi ng mga biktima sa pamamagitan ng isang “whole-of-government approach” alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa social media post ng ahensya, binigyang-diin na naging posible ang operasyon sa tulong ng koordinasyon ng DMW Rapid Response Team sa Cambodia, Migrant Workers Office sa Singapore, at ng Philippine Embassy in Phnom Penh.
Ang grupo, na sinamahan ni DMW Undersecretary Felicitas Bay, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City alas-kwatro ng madaling araw nitong Miyerkules sakay ng Philippine Airlines flight PR 2622 mula sa Techo International Airport sa Phnom Penh, Cambodia.
Agad namang sumailalim sa health assessment ang mga dumating na Pilipino sa pangangalaga ng medical team ng Manila International Airport Authority upang matiyak ang kanilang kalagayan at agarang pangangailangang medikal.
Nagbigay rin ng agarang tulong ang Overseas Workers Welfare Administration kabilang ang transportasyon at pansamantalang matutuluyan para sa mga repatriated workers.
Bukod dito, makakatanggap din sila ng libreng legal assistance mula sa DMW Migrant Workers Protection Bureau at Inter-Agency Council Against Trafficking, pati na rin ng financial aid at iba pang welfare services upang suportahan ang kanilang muling pagbangon at reintegrasyon sa kani-kanilang mga komunidad.
Patuloy namang iginiit ng DMW ang kanilang pangako na paigtingin ang proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa human trafficking at iba pang pang-aabuso sa ibang bansa.


